Naaalala ko ang isang kuwento na muntik na magbigay sa akin ng isang matinding insomiya.
Halos isang buong eskuwelahan ang nasapian ng kung anong elemento. Maririnig na nagsasalita sa ibang dila, nagkakaroon ng pambihirang lakas at nagwawala na parang 2012 na ang mga estudyante sa naturang paaralan. Sinasabi na mayroong kagimbal-gimbal na misteryo na pumapalibot sa lugar.
Pagkatapos makalma ang lahat, nalaman ng mga doktor na hindi demonyo, white lady, kapre, o Twilight ang sumanib sa mga bata. Napag-alaman na nasa ilalim ng impluwensya ng ibang demonyo at sa sobrang kalulong-an ay nagka-problema na sa pag-iisip sa murang edad.
Nakakalungkot ngunit ganon ang realidad. Naniniwala ako sa sapi, sanib o kahit anong tungkol sa pagpasok ng elemento sa katawan ng tao. Naniniwala ako sa demonyo na nagdadala ng takot, naninira ng buhay at nang-hihila sa kamatayan ...
... Hindi nga lang kaparehas ng pinapakita nilang itsura: kulay pula, may sungay at buntot, kapanindig balahibong mata at may dala-dalang tinidor. Di ko alam yung tungkol sa tinidor. Gutom ata palagi ... Iba't iba ang anyo ng alam kong demonyo, at may iba't ibang uri din ito. Ang alam kong demonyo ay puwedeng magtransform solid, liquid o gas. Grabe no?
Isang uri na nakita ko ay kulay puti at hindi pula, solid at hindi kaluluwa. Katulad ng demonyong alam mo, gusto din nito pumasok sa tao. Nagkaroon na ko ng encounter sa mga demonyong ito. Gustong-gusto nito makapasok sa loob-looban ko, hindi lang dahil sa gwapo at machong katawang ma-angkin nito, pero dahil gusto din nito masira ang buhay ko at ang mga buhay sa paligid ko. Masyadong mapilit ang demonyo at ginamit pa nito ang mga taong malapit sa akin. Ginamit niya silang lakas para mas maakit ako sa kanya. Ngunit tinanggihan ko dahil alam kong mali at alam kong wala ito sa tamang landas.
Nakita ko na ang nagagawa ng demonyo sa isang tao: naninira ito ng buhay, nilalayo nito sa mga kaibigan, at inihihiwalay ito sa sariling pamilya. Nakita ko na kung pano nito ginigiba ang isang kumpletong buhay papunta sa walang saysay na pag-gising. Kilala natin ang kasamaan ng demonyong ito ngunit napaka-lakas pa din ng hatak sa atin. Magaling pumili ng biktima ang demonyo, napili pa nito ang kinabukasan ng lahat, ang kabataan.
Kung bakit ang dali ng mahanap ang demonyong ito: pinagbabawal na droga sa bangketa, alak na binebenta ng parang energy drink, at yosi na parang candy kung ilako. Malakas ang impluwensya nito at masama ang resulta.
'Ayun! May nakita akong sinasapian pa lang sa labas. Naglalakad hinihithit ang demonyo sabay buga ng parang dragon. Saklolo! Albularyo!'
Hindi nga pala albularyo ang makakatugis sa demonyong mga iyon, kung hindi ang gobyerno. Ang gobyerno na may kapangyarihan magpabawal sa pagbenta o pagaccess nito lalo na sa mga kabataan. Sila ang may malakas na puwersa para mapuksa ang demonyo at sa mga nasapian na. Pero parang tropa pa ata yung ibang opisyal ng demonyo e, lalong napapalala. Sayang. Kaya din naman natin puksain ang demonyong ito: 'a little prayer and faith will go a long way'. Laging tatandaan.
ALAM NATIN ANG MASAMANG DULOT NITO! WAG MAGING MANG-MANG.
"Government Warning: Kung nasapian, nasaniban o napasukan ka na ng masamang elemento, please ask a doctor for help, family for support, rehabilitation center for assistance and God for strength"
No comments:
Post a Comment